"The Moment When You Need to Forget Everything"


I was cleaning up my old files on my computer when I found an old love story of mine. Oops, you might be thinking that it’s MY love story but, nu-uh, just fictional—maybe a result of some sort of inspiration from the back of my unconscious mind.

I read this again today and I could say that this is one of my best short stories I have ever written. It’s kind of nostalgic because the words remind me of my college days—you know, where those bitter-sweet love stories have existed. I admit I was a fan of them. I could still remember that I have written a short novel of teen sweethearts’ way back college! I could still feel the little spark of this cheesy feeling while verbalizing some of the lines.

I must have joined Ambon Writing Contest again but I guess it’s too late. If I could bring back time, then I might have tried again. But now, I could say that I am already satisfied knowing that YOU have gotten the chance to read the whole thing and THAT makes me a winner.

To give you an idea the story, it was written on the 29th of October, 2006, when I was on my college senior year. The language I used is Filipino so I apologize if you might not understand it. It talks about how a usual guy reminisces his awful past. It’s like a moment when sometimes we are still stuck in the middle of something that we don’t want to let go. It’s like a process of getting used to our heartaches that we almost forget that we are still wearing the same old shirt stained with our regrets and disappointments.

Now, I don’t want to prolong your waiting period. Here’s my story:


RESIBO

Wala pa rin akong mapiling maganda-gandang t-shirt. Sa totoo lang, kaya ako andito, hindi naman para bumili kundi magpalipas lamang ng oras. Ilang araw na rin akong hindi nasisinagan ng araw simula n'ung mag-semestral break. Lagi nalang nagkukulong sa dorm,  naggigitara o kaya nama'y nagsusulat ng kung anu-ano. Gusto ko sanang umuwi ng probinsya, pero 'wag nalang muna. Sa Mindoro pa ako e. Malayo at sayang rin ang pamasahe kung hindi naman ako magtatagal dun. Kaya heto ako ngayon, makapag-mall nga rin kasama ng mayaman kong pinsan na walang ginawa kundi bumili ng kung ano lamang ang matipuhan. Dala niya ngayon ang kanyang mga paburito: mga bagong Giordano, Guess at ibang mga kung anu-ano .At tsaka isang malaking puting baboy na stuff toy. 

"Ano na naman 'yan 'insan, kala ko ba wala na kayo ni Clarisse..?", nagtataka ako kaya ako'y bigla na lamang napatanong. 

"Ha? 'Insan naman! Parang di mo naman ako kilala..".

Napatango na lamang ako. Alam ko na ang ibig niyang sabihin. May bago na naman siyang dinidiskartehan. Bagong chick kong tawagin niya sila. Kunsabagay, pogi naman siya. Mayaman. Sino nga ba naman ang hindi magkakamaling sumama sa kanya. Pero, sus, hindi man lang 'to makonsensya--mga babae ang laruan.

"0 insan", muli na naman siyang bumanat. "Asan ang pinamili mo?"

"Ha? Wala e. Wala ako sa mood mamili.",sagot ko sa kanya habang bahagya akong ngumisi. Sa totoo lang wala talaga akong pera. Naubos lahat ng dahil sa pa-importanteng thesis na 'yon. Pinagkagastusan ngunit napakababa naman ng grade na ibinigay. Hay, kunsabagay, mabuti na y'ung pumasa kaysa sa lumagpak na naman.

Nasumpungan ko na naman ang aking sariling tulala at nalilibang sa mga batang abalang nagtatalon sa isang dance revo machine. Hanep kung humataw ang mga paa. Napakabibilis! Nagising nalang ako ng muling tapikin ng aking pinsan ang likuran ko...

"Mig, kain muna tayo sa Tokyo Tokyo sa baba. Don't worry, treat ko."

"Sure!", di na rin ako tumanggi. Hapon na rin kasi. Gutom na 'ko. Makapag-dinner na ng maaga para pagdating ko sa dorm tutulog nalang.
Tutal libre naman.


Sa pagpasok palang, naamoy ko na naman ang mga masasarap na pagkain sa loob,  Hmmn! Nagugutom na ako. Kaya agad kami ngayong humanap ng mauupuan. Doon may bakante sa sulok. Tamang tama para lang sa aming dalawa.

Pagkatapos n'un agad na siyang tumayo at ako naman ang unang pinaupo.

"Mig, dito ka lang. O-order na 'ko. Anong gusto mo.?"

"Ikaw bahala! Kahit ano basta may red iced tea. Solve na." sagot ko naman sabay ngiti.

"Ok",tsaka siya umalis.

Nag-ikot muli ang paningin ko ngunit wala naman akong intensiyong panoorin ang mga kumakain doon. Nais ko lang talagang pagmasdan ang lugar. Memorable kasi sa akin 'to. Dito ko kasi unang dinala si...Opps! Parating na si pinsan. Itinabi ko agad ang aking pouch na nasa ibabaw pa ng mesa.

"O hayan. Big plate para sayo. Beef giudon...At iyong red ice tea mo."

"Wow.! Salamat 'insan ha!"

"Ano ka ba? Para ka namang others kung makapagpasalamat.", wika niya.

Napatawa nalang tuloy ako.
Okay talaga 'tong si pinsan. Nakakahiya nga lang kung minsan kasi siya na lamang lagi yung nanlilibre. Sige, babawi naman ako sa kanya next year. Ga-graduate na ako sa March. Bu-blow out ko siya.

Agad akong sumipsip sa iced tea. Hindi lang ako nagugutom kundi nauuhaw pa. Samantala, agad nang binanatan ni pinsan ang order nitong chicken teriyari. At syempre 'di ko na rin pinigil ang aking sariling kumain. Haay, pawing pawi ang pagod ko sa buong maghapon.


"0 kumusta na kayo ni Rachelle?", muli na naman niyang ipinaalala.

"Ha? Yun...", wala akong maisagot.

"Anong 'yun?'"

"Wala na kami..." pagkatapos ay sumubo uli ako ng kanin.

"Pinsan naman! Six months lang! Wala na! Paano yan, e di broken hearted na naman ang lagay mo?"

"E ano pa nga ba?"

"Kailan pa?"

"Matagal na. Two weeks na siguro ang nakakaraan."

"E wala ka pala e."

Hay naku Rico. Wala ka talagang magawa. Imbes na pagaanin mo ang loob ko. Tinatawanan mo pa ako.

"E ganun talaga e." sagot ko nalang. "Di bale, marami pa namang babae diyan e.", dinugtungan ko pa para pagaanin naman konti ang usapan.

"Sayang naman y'ung mga regalong pinagbibigay mo sa kanya dati, pati y'ung mga ginastos mo sa kanya n'ung kumakain kayo sa labas... Tinatago mo pa rin ba y'ung mga resibo? Singilin mo!" aniya pagkatapos ay uminom agad siya ng iced tea.

Napangiti lang ako.

"Seryoso ka? Kung puede lang e.", tsaka ako tumawa. "Actually tinatago ko naman  hanggang ngayon y'ung mga resibo ng lahat ng nagastos ko sa kanya pero hindi para singilin siya sa huli. Yun lang yung tanging paraan kung saan  maaaring maalala ko lahat ang mga bagay na pinagsamahan namin."

"Napaka-senti mo pa rin hanggang ngayon pinsan." wika niya.

Hindi ko alam kong u-oo ba ako sa sinabi niya. Ayoko ng ganitong pakiramdam. Mabuti sigurong ibahin ko na ang usapan.

"Rico, para kanino na naman pala ang stuff toy na iyan?"

" A ito? Para kay Carla. Bagong girlfriend ko."

"Kailan pa?"

"One week ago."

"Sobra ka naman kung makapagpalit! E paano na si Angel. Akala ko ba siya lang ang tanging Angel mo."

"Ha? hayun.. Bumalik na sa langit.", tsaka sarkastikong humalakhak ngunit agad namang binawi ang sinabi. "Wala na kami n'un. Demanding pare. Gusto laging sinusundo, laging hinahatid, tinitext, inilalabas."

"Ganun talaga ang mga babae."

"Hindi lahat. Magsasawa ka rin 'pag laging ganun. Pakiramdam ko nga, para naman niya akong body guard o personal assistant. Ako nalang ang laging lumalambing sa kanya."

"Ganun talaga...", ang nasambit ko na lamang. Samantala, napailing naman siya sa nasabi ko.

Ilang minuto rin kaming nag-uusap ni pinsan over glasses of iced tea. Hayun, babae pa rin ang usapin. Kung paano sila liligawan, pasasagutin at iiwan. Paulit-ulit lang kaya tumagal ng ganuon.

Ngayon, pauwi na kami lulan ng kanyang pulang Honda CRV. Kasalukuyan kaming na-trap ng trapik rito sa Rizal Ave. Gitgitan na naman. Malapit na naman kasi ang Doroteo Jose, sa paradahan ng mga ordinary buses papuntang Bulacan, kaya ganito. Mag a-alas otso na pero ganito pa rin. Mga ilang minuto pa kaya bago kami makarating ng Nicanor Reyes. Hay...

Ngunit ilang sandali, medyo lumuwang na rin ang daan. Bumilis na ang biyahe.

"Mig, ihatid nalang kita mismo sa dorm mo."

"Wag na ins, salamat nalang. Ibaba mo nalang ako sa tapat ng Jolibee. Ok na ko."

"Sige, bahala ka.."aniya pagkatapos ay inihinto na ang sasakyan sa tapat mismo ng Jolibee.

"O ano, ok lang ba?"

"Oo naman. Maaga pa naman e. Ayus-ayusin mo nalang ang pagmamaneho, sa Greenhills ka pa naman uuwi."

Tumango lamang siya sa akin. Sa punto ring iyon, bumaba na ako mula sa kanyang sasakyan tsaka ibinagsak agad ang pinto upang isara. Ilang sandali, umandar na ito palayo.

Hay, nandito na naman ako sa dorm. Anong oras na? Alas otso palang. Ok! May time pa para makapagligpit ng gamit bago matulog.

Ngunit pagbukas ko ng pinto, aba! Mayroon yatang nakapagtiyagang maglinis. Maayos muli ang buong silid. Wala na ang mga underwear na nakasabit sa may bintana. Wala na ang mga hindi importanteng papel sa desk. Malinis na ang bentilador. At makintab na ang sahig...

"Jack! Asan ka?" Nawawala yata si Jack. Siya lamang ang kasama ko ngayon dito. Hindi rin naka-uwi sa kanyang probinsya gaya ko. Y'ung iba naman, iyong tatlo pang kasamahan namin rito, nagsiuwian na. Babalik muli sila sa pasukan. Kaya heto, medyo malungkot ang atmosphere.

Ilang sandali pa, bumukas agad ang pintuan ng banyo. Naroon pala siya. Kala ko kung umalis na naman at dinalaw ang girlfriend.

"O hayan Mig, malinis na ang lahat. Pati na ang banyo. Kagagaling lang ni Ate Ludy rito kanina. Nagtatalak na naman. Magligpit naman daw tayo kung puede."

Si Ate Ludy ulit? Ang matandang babaeng version ni Son Gokhu. Ang masungit naming landlady na wala nalang ginawa kundi ang isa-isahin kaming pinapagalitan? Naku kawawa na naman pala 'tong si Jack. Mag-isa na namang nasabon ni Ate Luds. Nakakahiya. Sana inagahan ko nalang ang pag-uwi para natulungan ko naman siyang magligpit.

"A... Jack, pasensya na 'tol. Di man lang kita natulungang mag-ayos dito." Namumula na naman ako sa hiya.

"Ikaw naman! Yun lang. Bumawi ka nalang sa susunod. Labhan mo ang mga brief ko!", pabiro siyang sumagot pagkatapos ay malakas na humagikgik. "Hindi. Biro lang.", tsaka siya ngumiti ulit.

"Kumusta pala ang lakad?"

"Hayun. Nag-ikot-ikot lang kami ni Rico."

"Sa SM San Lazaro?"

"Oo... Siya nga pala, kumain ka na ba?", tinanong ko siya, baka sa sobrang pagtitipid ay hindi na naman kumain.

"Oo, katatapos lang... Bago ko makalimutang sabihin sayo, Mig, nagkalat kasi yung mga papel diyan sa ibabaw ng desk, mukhang hindi importarte. Lalo na yung mga maliliit na piraso ng papel na nakasiksik lamang sa lalagyan ng mga ballpen. Tinapon ko na lahat."

Hindi muna ako umimik upang pag-isipan ang mga tinutukoy niya. Maliliit na piraso ng papel? Sa lalagyan ng mga bolpen? Patay! Ang mga resibo ko, naitapon!
Hindi na naman yata ako makapagpipigil nito. Unti-unti na namang bumibilis ang pagpintig ng aking mga pulso. Nararamdaman ko iyon lalo na sa may  batok.

"Jack, hindi ka nagbibiro? Naitapon mo lahat?", nagsimula na akong magseryoso.

"Oo. Bakit ba ganyan ka kung makapag-react? Ano ba ang mga iyon?", bahagya na ring tumataas ang tono ng kanyang boses.

"Mga resibo...",naging malumanay muli ang aking pagsasalita.

"Pambihira! Mga resibo lang. Nagkakaganyan ka na?!"

"Ngunit Jack, hindi mo alam kung gaano kahalaga sa akin iyon. Hindi mo alam!.. 
Saan mo naitapon?" Gusto ko sanang pigilin ang sarili kong magalit pero pakiramdam ko unti-unti na naman akong tinatangay ng sitwasyon.

"Sa baba. Sa malaking drum ng basura sa tabi ng guard house."

"Naku Jack!!!", ang tangi ko nalang nasabi bago ako tuluyang mawala sa sarili. Para bang may puersang humila sa aking mga paa na nagpangyaring mapatakbo ako niyaon pababa.
Sa isang iglap, narating ko ang lugar na tinutukoy ni Jack. Nagsimula akong pagpawisan. Naghahabol na rin ako ng hininga. Doon, nakita ko agad ang basurahang tinutukoy niya. Nilapitan ko agad ang drum ng basura. Kalahati palang ang laman ngunit nangangamoy na. Nang makita ko iyon, parang nawala  na sa isip na basura ang laman niyaon. Ang tanging nasa isip ko ay mahanap ang mga resibo. Hindi naman lalabis sa sampu ang lahat ng iyon. Malagkit ang mga supot na nasa loob. Ang iba'y madulas, kung hindi naman ay malansa. Ngunit hindi ko na iyon inalintana. Marumhan na 'ko sa pagkakalkal, ang importante, ang mga resibo.

Habang dahan-dahan nang kumakalat ang masansang amoy sa lugar dulot na rin ng aking pabigla-biglang pagbubungkal, mayroon uli ako naririnig na pagyapak ng mga paa. Nakatsinelas. Mabilis ring bumababa sa hagdanan. Sabi na nga ba, si Jack. Pamilyar kasi ang tunog.

"O ano 'tol? Yuck! ano 'yang ginagawa mo para kang taong grasang wala nang makain kung makapagkalkal ka diyan."

Alam kong nasa likuran ko na siya. Ayoko munang lumingon.

"O ano nahanap mo?"

Wala na rin akong magawa kundi ang pansinin siya. "Oo.", maikli lamang akong sumagot.

Tutal, lima na sa pamilyar kong resibo ang nakita ko. Maka-walo lang ako, solve na.

"Tama na iyan! Marami kang makukuhang sakit dyan. Ikaw pa ngang nagturo sa akin n'un e. Mahuli pa tayo rito ni 'Son Ghoku'."

Medyo kumalma na ko nang makuha ko ang pang-walo.

"Sige, last na.", ngumiti na rin ako sa wakas.

"Bilisan mo. Baka ano pang isipin ng mga makakakita sa 'tin dito."

Ilang sandali, nahanap ko na rin ang halos lahat ng resibo bagaman hindi ko alam ang tiyak na bilang ng mga ito. Ok na iyon kaysa naman sa tuluyan nang nawala lahat.
Hay. Gumaan na rin ang loob ko.

Hindi ko namamalayan ang oras. Mag-aalas diyes na! Ha? Napakabilis yata. Kailangan ko munang maghugas ng mabuti bago ako matulog. Nangangamoy na'ng mga kamay ko..Yuck!

Inilatag ko muna isa-isa ang mamasa-masang mga resibo sa ibabaw ng desk. Hahayaan ko muna ang mga ito doon para matuyo agad.

" Jackson! Wag ka munang mag-switch ng bentilador. Liliparin ang mga 'to."

"Sunugin ko pa 'yang mga iyan e." pang-aasar pa niya sa akin bago humiga sa kanyang kama. "Si-CR ka? Bilisan mo. Maghihilamos pa ako bago matulog.", wika pa niya.

Ako naman, pumasok na rin kaagad-agad ng banyo para makapaghugas. Nagsabon akong mabuti para tanggal lahat ng germs. Pagkatapos, sinundan ko na rin ng pagsisipilyo at paghihilamos. Nang matapos, lumabas agad ako mula sa banyo. "O, ikaw na..."

Si Jack rin ang sumunod. Muli ko na namang nilapitan ang mga resibo. Pinagmasdan ko ang bawat isa. Iba't iba  ang sizes. Karamihan malalaki, ang iba naman ay maliliit. Ilan sa kanila'y kupas na samantalang ang iba'y medyo bago pa. Bakit nga ba ganito kahalaga sa akin ang mga ito? Hindi ba parang nagmukha akong tanga kanina sa paghahanap ng mga resibong 'to? Ito nalang kasi ang natitirang alaala ko sa kanya. Tulad nito:

June 25, 2006
Max's Restaurant

'Yan ang unang dinner namin. Maalala ko pa, iyon ang unang pagkakataong binigyan ko siya ng bulaklak. Iyon rin ang unang pagkakataong sinabi ko sa kanya kung gaano ko siya kamahal. Hay, kung maibabalik ko lang ang mga panahong kasama ko si Rachelle. Ngunit wala na siya. Siya ang nang-iwan sa akin at hindi ako ang lumisan. Ano nga bang nangyari sa atin Rachelle. Minahal kita at halos ibinigay ko ang lahat. Kinalimutan ko pansamantala ang sarili ko. Lahat ng bagay ginawa ko. Bakit kailangan mong gawin 'to sa akin? Bakit hindi mo agad sinabi sa akin ang lahat? Na hindi na ako ang nasa puso mo. Na hindi mo na talaga ako mahal. Bakit mo pa pinatagal? Paano na ako? Tayo? Hahayaan mo nalang bang ganito? Bakit kailangan ko pang masaktan ng ganito? Ang dami kong tanong pero walang maisagot ang aking sarili.

Sa kalungkutan ko, hindi ko na namalayang nasa harapan ko na pala si Jack. Napansin ko na lamang na humarang ang kanyang berdeng tuwalya sa aking paningin habang ako'y tahimik na nakayuko. Nagising muli ang aking kamalayan nang siya'y  magsalita.

"Mig, umiiyak ka na naman. May problema ba?"

 "Ha?", agad kong dinama ang aking mga mata. Basa nga. Napalunok ako. Nakakahiya. Kalalaki kong tao, iyakin. 

"Ha? Wala 'to Jack. Ako? Iiyak? Napuwing lang ako. Kinuskos ko kasi e. Kaya yan, namula tuloy." , wika ko sa kanya upang palakasin ang aking loob. "O 10:30 na pala! Tara 'tol, tulog na!", pinagpatuloy ko pa para hindi niya mahalata.

"Sigurado ka Mig? Walang problema?", naniguro pa habang patungo sa kanyang higaan.


"Oo. No problemo!", pinasaya ko bahagya ang aking tinig. "Humiga ka na at ako nalang ang bahalang magswi-switch-off ng ilaw."

Naroon na siya mismo sa kanyang higaan pagkatapos ay ipinatong na ang kanyang kanang braso sa mga mata nito marahil ay upang makatulog na agad. Ilang sandali pa, naghihilik na! Tulog na nga si Jack. Marahil napagod rin siya sa pagliligpit rito kanina.

Bumalik muli ang naudlot na katahimikan. Nabigyang daan muli ang aking pag-iisa. Ayoko sana ng ganito. Para bang nananamantala ang pagkakataon. Para bang sinasadya nitong ibalik sa akin ang lahat ng mga alaalang maaring kumitil sa akin. Kailangan ko rin sigurong mag-move-on. Kailangan ko ring makalimot at isipin na marami pang bukas na darating. Tama nang naging bahagi si Rachelle ng aking kasaysayan at hindi dapat siya ang maging hadlang sa akin upang hindi ako magkapagpatuloy mamuhay. Marami pang babae sa mundo. Mahahanap ko rin sa gitna nila ang  magmamahal sa akin ng totoo at tapat. Tama, kailangan ko na talagang makalimot at magpatuloy.

Hindi ko alam kung bakit kusa na lamang dumako ang aking mga kamay sa mga resibo. Isa-isa niya silang pinulot pagkatapos ay sama-sama ring pinunit. Gusto ko silang pigilin pero huli na ang lahat. Ano pang gagawin ko sa mga ito? Sa mga punit na resibo? Haay. Itatapon ko nalang.

Paalam mga papel. Paalam mga alaala. Paalam Rachelle.



No comments:

Post a Comment